Blog

Ano Ang Decentralized Applications O Mas Kilala Sa Tawag Na DApps?

Alamin natin kung bakit malaki ang potential ng Pilipinas sa makabagong sistema ng paglalaro sa DApps gamit ang blockchain.

Ano Ang Decentralized Applications O Mas Kilala Sa Tawag Na DApps?


Na-imagine mo na ba ang isang siyudad na walang gobyerno?

 

At ang mga namumuno o nagdedesisyon sa ika-uunlad nito ay ang mismong mga mamamayan na naninirahan dito?

 

Sa kultura ng mga Filipino ay waring napaka-imposible ng mga ganitong mga pangyayari, ngunit dahil sa mabilis na pagbabagong nangyayari sa ating teknolohiya ay hindi na imposible ang ganitong ideya o klase ng pamamahala.

 

ANO ANG TEKNOLOHIYA SA LIKOD NG DAPPS?

 

Isa sa mga kilalang makabagong teknolohiyang naimbento at nailathala pagkatapos ng isang matinding krisis sa ekonomiya ng buong mundo na nangyari noong taong 2008 ay ang Bitcoin o blockchain.

 

Inihayag ng hindi kilalang imbentor o mga imbentor na nakilala sa bansag na Satoshi Nakamoto ang nasabing makabagong sistema noong taong 2009.

 

Binubuo ito ng isang grupo ng mga computers o mas kilala sa tawag na miners o minero na nagsisilbing protektor at verifier upang maiwasan ang karaniwang problema ng mga digital na transaksyon katulad ng double spending at pang-hahack kapalit ng naturang Bitcoin.

 

Ayon sa Cyber Security Ventures, isa sa mga matatag na kumpanyang nangunguna sa pagbibigay ng mga malalalim na pag-aaral patungkol sa seguridad ng internet ay naghayag ng kanilang 2019 Official Annual Cybercrime Report na nagsasabi na aabutin ng halos $6 trilyong dolyar ang magagastos ng buong mundo taon-taon sa mga krimen na may sangkot sa internet sa darating na taong 2021.

 

Ilang taon, proyekto at panukala ang dumaan bago magkaroon ng boses ang mga kriptograper sa pagpapa-unlad ng sistemang pinansiyal na meron tayo ngayon.

 

PAG-USBONG NG ETHEREUM

 

Nagsimula ang bitcoin sa pagtatatag ng mga maliliit na pulong at ito ay isinusubasta dipende sa napag-usapang panimulang halaga sa nasabing pulong at ngayon ang isang bitcoin ay nagkakahalaga ng 400,000 pesos at pamilihang capitalisasyon na ₱7.08 trilyon pesos sa buong mundo.

 

Ngunit kahit gaano pa man kalaki ang potensiyal na ipinapakita ng bitcoin ay nakitaan padin ito ng kahinaan, kaya’t taong 2014 ng iminungkahi ng isang Russian programmer na si Vitalik Buterin ang paggawa ng isang makabagong sistema na tinatawag na smart contract, isa sa mga makabagong kasangkapan na magagamit ng iba’t ibang proyekto at negosyo sa buong mundo.

 

Itinatag ang Ethereum sa likod ng kumpanyang Ethereum Switzerland GmbH naitatag noong Hunyo 2014.

 

Nakapaglikom ito ng $18.4 milyong dolyar at nakapagbenta ng 11.9 milyong Ether (pera o currency ng Ethereum blockchain) na isinagawa sa isang pampublikong crowdsale na nangyari noong Hulyo hanggang Agosto 2014 at ginamit ang bitcoin upang maging daan sa mga taong may alam na sa bitcoin upang makapag-ambag sa nasabing proyekto.

 

ANO ANG KAIBAHAN NG BITCOIN SA ETHEREUM?

 

 

Ang Bitcoin ay ginawa upang mapalitan ang kasalukuyang sistema natin ng pakikipagpalitan o kalakalan sa komersyo.

 

Isa sa mga pangunahing focus ng bitcoin ay ang mapalitan ang salapi na ating ginagamit o kilala sa tawag na fiat money, dahil sa kawalan natin ng kontrol dito at tanging central bank o gobyerno ang pinaka nagdidikta kung gaano karaming supply ang kanilang ipapalaganap, ikaw na nagtatabi ng nasabing fiat money ay tinatamaan ng tinatawag na inflation, ito ang pagkawala ng halaga ng anumang asset na meron ang isang indibidwal dahil sa pagtaas ng supply ng asset at pagkawala ng demand nito sa merkado

 

Ginawa ang bitcoin na hanggang 21 milyon lang upang ito ay maging deflationary asset.

 

Sa susunod na lima o sampung taon, habang maraming organisasyon, indibidwal at iba pa ang nakakatuklas at tumatanggap sa bitcoin bilang isang makabagong asset at salapi na magagamit sa pandaigdigang komersyo mas lalong tumataas ang pamilihang presyo nito dahil sa pagtaas ng demand.

 

Ang Ethereum ay itinatag para mapadali ang pagpapakilala at adoption ng cryptocurrencies katulad ng bitcoin sa iba’t ibang industriya.

 

Alam ng founder ng Ethereum na si Vitalik Buterin na hindi lang si pampinansiyal pwedeng magamit ang desentralisyon pero pati sa iba’t ibang applications na ginagamit natin ngayon lalong-lalo na sa mga laro ngayon.

 

Kaya’t noong 2013 na hindi tinanggap ang kaniyang proposal na i-develop ang blockchain ng bitcoin na maging isang modernong plataporma na kayang mangasiwa sa mga makabagong industriya na uusbong sa susunod na siglo ay hindi siya nag-atubili na gawan ito ng paraan kung paano ito maisasakatuparan at maging katotohanan.

 

MODERNONG PAGLALARO SA IKA-21 SIGLO

 

 

Isa ang Pilipinas sa mga bansa na ang paglalaro ay parte na ng pang-araw araw na buhay o kaparaanan ng isang pilipino na makapaglibang at makipag-bonding sa kapwa nila Pilipino kaya’t malaki ang potential ng Pilipinas na maging isa sa mga bansang may pinakamagagaling na manlalaro pagdating sa eSports arena.

 

Taong 2016 ng matalo ng isang team ng manlalaro sa Pilipinas ang isa sa mga pinakamalakas na manlalaro ng Europa na itinanghal sa Seattle Center sa Estados Unidos na nag-uwi ang grupo ng manlalaro ng 18 milyon pesos.

 

Ang eSports sa Pilipinas ay tinatayang magkakaroon ng halagang aabot sa ₱950 bilyon pesos at isa sa mga pangunahing bagay na dapat bigyang pansin dito ay ang pagbabago ng tingin ng kabataan pagdating sa laro kaya’t napakalaki ng potensiyal ng mga decentralized applications o DApps na may kakayahang mabigyan ng pagkakataon ang isang manlalaro na kumita na hihigit pa sa kayang ibigay ng kinaugalian na mga laro na meron tayo ngayon.

 

Ang DApps ay ang mga applications na naka-ugnay sa isang blockchain na may katangian ng smart contracts tulad ng Ethereum.

 

Isa sa mga mahalagang benepisyo ng DApps ay ang pagiging open nito sa publiko dahil kahit sinong programmer o developer ay may kakayahan na mag-mungkahi ng kanilang sariling opinyon kung paano mas na mapapaganda ang nasabing application na pagbobotohan ng mga mismong gumagamit at nagdedevelop ng application.

 

Isa sa mga makabagong standard ng Ethereum ang tinatawag na ERC-721 or Non-fungible Tokens (NFTs), ito ang nagbibigay halaga sa mga assets na hindi mo pwedeng mahati sa iba’t-ibang parte gaya ng painting, software, music, lupa’t bahay at iba pa.

 

Nagbigay daan ang ERC-721 upang mabigyang proteksiyon ang mga mahahalagang assets ng isang indibidwal o kumpanya.

 

Isipin mo nalang ang isang sasakyan na magpaparehistro ng kaniyang plaka.

 

Alam natin bilang isang Pilipino ang Quiapo at Divisoria na may kasaysayan sa magaling na panggagaya ng iba’t ibang mahahalagang dokumento gaya ng IDs, certificate at iba pa.

 

Kapag inirehistro mo ang plaka ng sasakyan mo sa isang blockchain ay mabibiyayaan ka ng isang ERC-721 o Non-fungible na token (NFTs) na walang katulad na may lagda ng isang hash, isa itong kombinasyon ng letter at numero na maireregister sa blockchain na siyang magiging daan para malaman kung sino ang tunay na may-ari ng nasabing asset kaya’t kahit pumunta ka pa sa Quiapo o Divisoria ay mawawalan lang ng saysay ang iyong effort dahil ang token lang na nakuha mo ang magsasabi na ikaw ang tunay na may-ari ng asset na iyon.

 

Ito ang naging daan kung bakit lumaki lalo ang potential ng mga larong konektado sa blockchain, dahil binigyan niya ito ng daan kung paano mapagkakakitaan ang laro dahil bawat gamit na makukuha mo sa laro na pinaglaanan mo ng oras at pera ay may hash na walang katulad na magsisilbing in-game assets mo na pwede mong maibenta sa tinatawag na decentralize marketplace kapalit ng cryptocurrency katulad ng Bitcoin at Ethereum na ngayon ay mayroon ng halaga sa merkado at tinuturing nadin na isang alternatibong investment asset ng ibang propesyunal na fund managers.

 

Noong Setyembre 2018 ng maitala ang pinakamalaking pagbili sa isang NFT asset na nagkakahalaga ng ₱8.63 milyong pesos na may pangalang “Dragon”.

 

Ito ay nangyari sa isang decentralized application game na mas kilala sa tawag na CryptoKitties, isang collect, trade & breeding game at ang nangunguna sa lahat ng DApp games sa merkado na may tinatayang hihigit sa ₱1.3 bilyon pesos na kita.

 

Hindi pa ganun kaganda ang graphics ng mga blockchain-based games na ating makikita sa ngayon. Ngunit, kung ating babalikan ang nakaraan ay ganoon din naman ang naging simula ng mga nakilalang laro gaya nalang ng Pokemon.

 

Isa pa sa mga mahalagang kakayahan ng blockchain-based games ay ang mailipat ang nasabing asset na iyong naipon sa dating laro papunta sa bagong laro na iyong napupusuan o ang tinatawag na “inter operability” na hindi natin kayang gawin sa kasalukuyang laro na meron tayo kaya’t ang nangyayari ay kahit sobrang napag-iiwanan na ang larong nilalaro mo ay hindi mo siya maiwanan dahil malaki na ang oras at pera na nailaan mo dito para lumipat sa iba.

 

Milyon o bilyon na ang ibinubuhos ng malalaking kumpanya upang maisakatuparan ang pagiging realidad ng adoption nitong mga decentralize applications kaya't napaka-imposible na hindi sila makagawa ng tinatawag na "killer apps" na magiging daan upang mas matanggap ng mga Pilipino ang panibagong sistema ng paglalaro na gumagamit ng blockchain at sa lalong madaling panahon ay isa padin ang mga Pilipino sa mga pinakamagagaling na manlalaro at syempre, isa sa pinakamayaman ng dahil sa DApps.